Iniulat kahapon ng Department of Health (DOH) na wala pa sa mga COVID-19 vaccines na available sa bansa ngayon ang nagdulot ng kamatayan o COVID-19 infection sa mga taong naturukan nito.
Ang pahayag ay ginawa ng DOH batay sa ulat ng mga eksperto ng mga komite na naatasang mag-assess ng adverse events following immunization (AEFI) ng mga bakuna.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, simula Marso hanggang Abril 11 ay umaabot na sa kabuuang 24,823 suspected AEFI cases ang kanilang naitala.
Sa mga nakatanggap aniya ng Sinovac vaccine, halos 7,000 ang iniulat na nakaranas ng non-serious AEFI habang 164 indibidwal naman ang nagkaroon ng severe reactions.
Sa mga naturukan naman ng AstraZeneca vaccine, 17,503 ang minor adverse effects habang 206 ang mayroong serious AEFI.
Ang mga most common AEFI naman na naitala ay pananakit ng bahagi ng katawan na naturukan, pangingiki, chest discomfort, fatigue o pagkapagal at pananakit ng ulo, ngunit wala naman umanong naitalang epekto na nagdulot ng kamatayan o anumang pagkakasakit ng COVID-19.
“Base sa pag-aaral ng ating mga eksperto, ito pong mga bakunang meron tayo ngayon ay hindi naging cause ng kahit na anumang naging pagkakamatay dito sa ating bansa or hindi naging cause ng kahit anumang pagkakasakit ng COVID-19 dito sa ating bansa,” ani Vergeire.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Vergeire sa publiko na ang lahat ng naturang AEFI ay masusi na nilang iniimbestigahan.
Una nang sinabi ng Food and Drug Administration (FDA) na ang adverse effect ay itinuturing na seryoso kung nagresulta ito sa kamatayan, life-threatening situation gaya ng anaphylaxis, in-patient at matagal na pagkakaospital, persistent o significant disability, congenital anomaly o birth defect, o di kaya ay medically important event.
Hanggang nitong Abril 12, nabatid na umaabot na sa mahigit isang milyong indibidwal ang naturukan ng COVID-19 vaccine sa bansa.

