Isinailalim sa “pansamantalang lockdown” ang tanggapan ng Radio Veritas dahil sa nagpositibo sa COVID-19 ang ilang mga kawani nito.
Ayon sa himpilan, ang pagsasara ng main studio ay bilang bahagi ng pag-iingat upang mapigil ang higit pang pagkalat ng nakakahawang sakit, at pagtugon na din sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force at bigyang daan ang isasagawang “disinfection” ng buong gusali.
Tiniyak ng himpilan ng Radio Veriras 846-ang Radyo ng Simbahan na patuloy na mapakikinggan sa himpapawid at mapapanood sa pamamagitan ng video streaming at Veritas 846 Facebook page ang mga misa at mga programa ng himpilan.
Humingi rin ng pang-unawa at panalangin ang Radio Veritas sa mga Kapanalig dahil sa pansamantalang pagsasara ng tanggapan kung saan hindi muna pinahihintulutan ang pagtanggap ng mga “walk in” Kapanalig members at application, gayundin ang Truth Shop at mga hihingi ng tulong sa programang Caritas in Action.
Pansamantalang ginagamit ng Radyo Veritas ang transmitter sa Taliptip, Bulacan, upang patuloy na makapaglingkod at mapakinggan ang mga inihandang mga programa.
Kabilang sa mapakikinggan ang mga banal na Misa, pagninilay ng mga pari at obispo gayundn ang mga gawain ng simbahan para sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan ay sumasailalim sa swab testing at contact tracing ang Radyo Veritas upang malaman ang kalagayan ng iba pang mga kawani kasabay na rin ng isasagawang paglilinis sa buong gusali upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Para sa mga kapanalig na nais na magbigay ng kanilang “pledge” at donasyon ay maaari itong isagawa online na makikita sa veritas846.ph website.
Maglalabas din ng karagdagang pahayag ang himpilan sa lalong madaling panahon.

