Aprubado na ng Department of Tourism (DOT) ang kahilingan ni Manila Mayor Francisco Domagoso na gawing temporary mobile hospital ang Burnham Green Park at drive-thru vaccination site ang Quirino Grandstand sa Rizal Park sa Maynila.
Kasunod ito ng isinagawang pagpupulong ng board of directors ng National Parks Development Committee (NPDC) matapos lumiham ang alkalde kay NPDC executive director Cecille Lorenzana Romero.
Sa kanyang liham, hiniling ng alkalde ang pagtatayo ng temporary mobile hospital sa nasabing parke para paghandaan ang posibleng pagtaas pa ng mga kaso ng COVID-19.
Ang lokal na pamahalaan naman ang magdidisensyo sa konstruksyon at maintenance sa ospital.
Wala rin aniyang gastos dito ang national government at nangako din ang alkalde na ibabalik din nito sa orihinal na disenyo ang Burnham Green Park kapag aalisin na ang itinayong ospital.
Matatandaan na noong Hulyo 20, 2020 naglatag din ang lungsod ng Maynila ng drive-thru rapid serology test kung saan 700 katao ang nasiserbisyuhan kada araw at pinalitan ng RT-PCR testing noong Enero 18, 2021 na may 100 indibidwal ang naisasalang kada araw.
