Patay ang isang miyembro ng TIATCO Organized Crime group at wanted sa krimeng murder nang manlaban sa mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang napatay na si Rommel Tiatco, nasa hustong gulang at nakatira sa 441 Inocencio St., Brgy. 93, Tondo, Maynila.
Sa ulat mula sa tanggapan ng Manila Special Mayors Reaction Team (SMaRT) sa pamumuno ni P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., nagsagawa ng joint operation alas 8 kaninang umaga upang isilbi ang warrant of arrest laban kay Tiatco dahil sa kasong pagpatay sa isang dating pulis-Maynila na si PSSgt. Dranreb Cipriano.
Inisyu ang nasabing warrant ni Judge Marivic Balisi Umali ng RTC Branch 20, Manila.
Ayon sa pulisya, nagpaputok at nanlaban ito nang malaman nitong may mga pulis sa paligid ng kanilang bahay.
Nakuha rin kay Tiatco ang isang baril at mga bala.
Batay pa sa record ng korte, mayroon ding kasong robbery hold-up si Tiatco, carnapping “basag kotse’ at drug pushing kung saan nag-ooperate ito sa Maynila, Quezon City at Caloocan.

