PINATITIYAK ni House Committee on Social Services Chairman at Quezon City 4th District Representative Alfred Vargas sa mga lokal na pamahalaan na kailangan ipamahagi ang mga pangangailangan ng mga residente sa mga lugar na isinailalim sa “lockdown” dahil sa lumolobong kaso ng COVID-19.
Ayon kay Vargas, ang lockdown gaya ng mga granular lockdown na idinideklara ng mga local government units o LGUs upang hindi na kumalat pa ang infection dulot ng virus.
Pero kaakibat nito ang ilang “inconvenience” o abala sa mga residente, ngunit mas mahalaga pa rin kanilang kapakanan at sa kalusugan.
Kaya apela ni Vargas sa mga LGU, tiyakin na mapagkalooban ng “basic needs” o ilang mahahalagang pangangailangan at serbisyo ang mga residente habang umiiral ang lockdown.
Sa panig naman House Assistant Majority Leader Precious Hipolito-Castelo, ipinaalala nito na dapat ang walang diskriminasyon sa pagkakaloob ng tulong at serbisyo sa mga apektado ng lockdown.
Dagdag ni Castelo, ang pagbibigay ng pangunahing pangangailangan ng mga residente ay dapat isa sa mga prayoridad ng mga LGU, at upang maiwasan na lumabas pa sila sa kalye para hindi ma-expose o mahawaan ng sakit.
Pakiusap naman ni Castelo sa publiko, ibayong pag-iingat at sumunod sa patakaran ng mga LGU upang sama-sama na malabanan ang COVID-19.

