LIMANG hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa engkuwentro sa Barangay San Juan, Baras sa Rizal province.
Nabatid mula sa Rizal Provincial Police Office na isisilbi sana ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang warrant of arrest laban sa isang alyas Dads nang mauwi sa barilan ang pagpalag ng panig ng mga umano’y rebelde.
Dalawa sa mga bumulagta sa sagupaan ang isang alyas Ka Sandra na sinasabing sekretarya at medical officer ng grupo, at isang Ka Onli na intelligence officer ng samahan.
Narekober mula sa mga suspek ang dalawang M16 rifle, isang kalibre 45, isang Uzi, kalibre .38 baril, mga electronic device at subersibong dokumento.
Samantala, napatay sa pakikipagsagupa rin sa pulisya ang dalawang hinihinalang miyembro ng kidnap-for-ransom sa Barangay Inarawan, Antipolo City, Huwebes ng umaga.
Tinukoy ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group ang mga suspek na sina alyas Kelly at alyas Roy, pawang miyembro ng “Mokong” group.
Nagsasagawa umano ng checkpoint ang PNP-AKG at Antipolo police sa Marcos highway sa Sitio Painuman nang maka-engkuwentro ang armadong mga suspek na sakay ng motorsiklong walang plaka. Sa halip na tumigil sa checkpoint ay tinakbuhan at pinaputukan ng umano ng dalawa ag mga awtoridad na dahilan upang rumesbak ang mga pulis... (with reports from CYRILL QUILO)