Mga bata mas delikado sa COVID-19 sa mga bahay, ayon sa isang pag-aaral – DepEd

MAS malaki umano ang tsansa na mahawa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga bata na nasa bahay kaysa paaralan.

Inihayag ito ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones sa gitna ng paghahanda para sa pagsusubok ng limitadong face-to-face classes sa Enero ng susunod na taon.

Tinukoy ni Briones ang ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) na nagsasaad umano na ang pinakamababa ang antas ng hawaan ng COVID-19 ay sa mga eskuwelahan.

“Sinasabi na lahat ng pag-aaral nagpapakita na ang pinaka-lowest threat ay sa schools. Ang malaking posibilidad ay sa homes kasi that is where they spend most of their time and other places,” ayon kay Briones.

Nauna nang hiniling ng UNICEF sa gobyerno na i-prayoridad ang muling pagbubukas ng klase at gawin ang lahat ng hakbang upang maging ligtas ang mga estudyante.

Batay umano sa pinakahuling pag-aaral mula sa datos ng 191 bansa, lumilitaw na walang kaugnayan ang school status at ang COVID-19 infection rates sa komunidad.

“Kaya tinitingnan namin iyan sa mga pag-aaral but, ingat pa rin tayo dahil sinasabi na ang mga bata maski asymptomatic – hindi natin sila tinitingnan dahil asymptomatic sila – baka may dala-dala silang virus na puwedeng ipasa sa members ng kanilang households,” ani Briones.

Sinasabing magiging boluntaryo at mahigpit na babantayan ang pagdaraos ng physical classes sa ilang piling eskuwelahan na may mababang kaso ng COVID-19 simula sa Enero 11 hanggang 23.

Mayroong 1,114 paaralan ang inirekomendang lumahok sa pilot run ngunit susuriin pa umano ang sitwasyon sa mga paaralan kaya maaari itong mabawasan. Ang Metro Manila, Davao City at Cotabato ay nagpahayag na hindi sasali sa naturang pilot run ng face-to-face classes.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.