Timbog ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, kabilang ang 17-anyos na binatilyo matapos mahuli sa akto ng mga tauhan ng Maritime Police na sumisinghot ng shabu sa Navotas City.
Kinilala ni Northern Maritime Police Station (MAPSTA) head Police Major Rommel Sobrido ang naarestong suspek na si Joel Dela Cruz, 18 ng Brgy. Tañong, Malabon City at ang 17-anyos na binatilyo ng Daang Hari, ng nabanggit na lungsod.
Sa ulat ni Major Sobrido kay MARPSTA Chief P/Col. Ricardo Villanueva, dakong 5:30 ng madaling araw nang magsagawa ng routine patrol ang kanyang mga tauhan sa pangunguna ni PLT Erwin Garcia sa Palengke St., Market 3, NFPC, Brgy. NBBN.
Duon na umano naaktuhan ng mga pulis ang mga suspek na sumisinghot ng shabu sa isang nakabukas na kubo na naging dahilan upang arestuhin ang dalawa.
Narekober mula sa kanila ang improvised aluminum foil pipe, aluminum foil strip na may bahid umano ng shabu at isang lighter.
Ayon kay MARPSTA PSMS Bong Garo II, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.