DEDBOL ang drayber ng trak makaraang maipit sa tumagilid nitong sasakyan habang tatlong iba pa ang nasugatan sa national highway ng bayan ng Dimiao, Bohol.
Nabatid mula kay Police Staff Sergeant Anselmo Nayve ng Dimiao Police Station, nangyari ang aksidente dakong alas-10 ng umaga habang binabagtas ng cargo truck driver na si Junnel Cutanda Castino, 30-anyos, ang bahagi ng Barangay Luyo.
Lulan ng trak ang saku-sakong bigas na ihahatid sana ng Tagbilaran City mula sa bayan ng Ubay.
Sinasabing nawalan ng kontrol si Castino nang magpagewang-gewang ang minamanehong trak hanggang sa tumagilid sa kalsada.
Dead on the spot si Castino habang nasugatan ang pahinante nitong si Eldie Gino Alingig, 33-taong gulang. Nagtamo rin ng mga sugat sa katawan sina Raymond Salva, isang security guard, at kanyang angkas sa motorsiklo na si Rene Dealagdon makaraang tamaan ng mga sako n bigas na nahulog mula sa trak.