KALABOSO ngayon ang limang suspek na idinidiin sa online sex trafficking sa Bislig City, Surigao del Sur kung saan ang ilan sa kanila ay mga magulang pa mismo ng 13 menor de edad na biktima.
Gayunman, tumanggi muna si Philippine National Police chief Police General Archie Gamboa na isapubliko ang pagkakakilanlan ng mga suspek dahil malalantad ang mga menor de edad na biktima.
Ayon kay Gamboa, una silang nakatanggap ng impormasyon mula sa Australian Federal Police kaugany nang network ng online sex traffickers sa Bislig City na nag-aalok sa mga dayuhan ng bayad na palabas o makapanuod ng kalaswaan na kinasasangkutan ng mga bata.
Agad nang ikinasa ng PNP Women and Children Protection Center at Anti-Cybercrime Group ang entrapment operations sa dalawang lugar sa Bislig City. Armado ng mga warrant to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD) ay sinalakay ang mga lugar kung saan nadiskubre ang mga ebidensya ng child exploitation and trafficking.
Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9208, RA 9775 in relation to RA 10175 at RA 7610, gayundin ng paglabag sa RA 10364 o the Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 ang mga suspek.
Nasa kustodiya na ng Bislig City Social Welfare and Development Office ang mga menor de edad na biktima.
“I am warning the parents and guardians of minors who suffer abuse in their hands. We are tracking your illegal online sex operations. We know where you are, who you are dealing with and how you have profited from these deplorable acts. We will put you behind bars,” babala ni Gamboa.