Mga drayber na walang paglabag, pasok sa 10-taong bisa ng lisensya – LTO

SIMULA sa Oktubre ng susunod na taon ay pupuwede nang makapag-renew ng lisensya ng pagmamaneho na may bisa na sampung taon ang mga drayber sa bansa.

Gayunman, nilinaw ni Land Transportation Office (LTO) Office Chief Assistant Secretary Edgar Galvante na ang kuwalipikado lamang sa mga mabibigyan ng 10-year validity ng driver’s license ay ang mga malinis ang record o walang paglabag sa trapiko simula nuong Hunyo ng taong 2019.

Kung may paglabag, sinabi ni Galvante na hanggang limang taon lamang ang bisa ng lisensya.

Magiging batayan ng inilatag na demerit system ang Republic Act No. 10930 o An Act Rationalizing and Strengthening the Policy Regarding Driver’s License by Extending the Validity Period of Drivers’ Licenses and Penalizing Acts in Violation of its Issuance.

Halimbawa rito ang limang demerit points na naipapataw sa motorista kung may paglabag tulad ng paggamit ng sasakyan sa krimen, pagmamaneho nang lasing o nasa impluwensiya ng ilegal na droga, pagbiyahe ng kolorum na sasakyan at paulit-ulit na paglabag sa batas-trapiko.

Tiniyak naman ng LTO na naitatala nito ang lahat ng naging paglabag ng mga motorista.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.