12 crew ng barge galing Indonesia, nagpositibo sa COVID-19

MAHIGPIT na binabantayan ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Albay ang isang barge na lulan ang may 11 tripulante na positibo sa COVID-19.

Ayon sa PCG, ito ay upang matiyak na hindi umiba ng ruta ang barge Claudia at tugboat na MT Clyde.

Ang tugboat at barge ay dumating sa Port of Butuan Agusan del Norte mula Indonesia  noong July 14 at  umalis din kinabukasan.

Habang nasa nasabing pantalan, sumailalim ang mga crew sa COVID-19 RT-PCR test habang ang barko ay naglalayag na patungong Albay, sila ay inabisuhan na 12 sa crew nito ang nagpositibo sa naturang sakit.

Agad namang  itinawag ni Captain Francisco Vargas sa PCG Station Albay  kahapon ang ulat at ang kanilang  posisyon kung saan sila ay nasa baybay tubig ng Western Samar.

Ayon kay Vargas, nasa ligtas siya at ang 19 niyang crew ngunit 12 ang  kumpirmadong positibo sa COVID-19 subalit mga asymptomatic.

Sinabi rin ni Capt. Vargas na isa sa 12 nagpositibo ay nakababa na sa Butuan City kaya 11 na lamang na crew  ang onboard.

Tiniyak naman ng kapitan ng barko na hindi pabababain ang iba pang nagpositibo na walang tamang koordinasyon sa mga awtoridad.

Darating bukas, Hulyo 20, sa Lidong Port, Sto. Domingo, Albay ang barge dakong alas-3 ng hapon. 

Inatasan na rin ni PCG Commandant Admiral George Ursabia Jr. ang lahat ng Coast Guard districts at units sa buong bansa na subaybayan ang lahat ng barko ar crew o pasahero na posibleng may dalang Delta variant ng COVID-19  lalo na sa Philippine border malapit sa Indonesia at  Malaysia at sa katimugang  bahagi ng Pilipinas.

Alinsunod sa direktiba ni Ursabia, ang  PCG Station Albay ay naghahanda na mga hakbang at nakipag-ugnayan na sa Bicol IATF at ilang concerned agencies para masiguro na nasa lugar ang mga hakbang bago ang pagdating ng barko bukas.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.