Breaking News

Share this information:

BINIGYANG-DIIN ni Manila Police District (MPD) Station 2 Dagupan Outpost Supervisor PSMSgt. Gerardo Tubera na hindi pa rin papayagan ang mga vendor sa bahagi ng Divisoria ngayong “Ber months” kahit nalalapit na ang Kapaskuhan.

Ito ang kanyang pahayag sa isinagawang forum ng MPD Press Corps ngayong Miyerkules.

Ayon kay Tubera, ang hakbang ay alinsunod na rin sa kautusan ni Manila Mayor Francisco Domagoso na panatilihin ang kaayusan, kalinisan, at disiplina sa lugar ng Divisoria.

Sa direktiba na din ni MPD-Station 2 Commander PLt. Col. Magno Gallora, napapanatili nila na ang kalye ay para sa mga sasakyang pang-transportasyon habang ang mga “sidewalk” o bangketa ay dapat ilaan sa mga tao. 

Ayon kay Tubera, “zero vendor” policy ang kanilang ipinapatupad mula Narra St. hanggang Asuncion St. sa Recto Ave., kung saan tanging ang pinapahintulutan lamang nilang ipalatag ay ang “Night Market” na magsisimula alas-5:30 ng hapon hanggang alas-5 ng madaling araw kinabukasan.

Tiniyak naman ni Tubera na napapanatili nila ang ipinapatupad na health protocols lalo na ang physical distancing dahil may mga linya silang inilagay bukod pa sa mga bakal na harang o mga “steel fence” upang ihiwalay ang lakaran ng mga tao sa daanan ng mga sasakyan.

Nabatid din kay Tubera na may 25 CCTV camera at walong trompa para sa “public address system” ng kanilang presinto sa kahabaan ng kanilang nasasakupang area ng Divisoria upang magsilbing mata at bibig na magbabantay sa mga pasaway na mamimili, vendor o mga driver dito.

Sinabi ni Tubera na asahan din naman ang pagbagal ng daloy ng trapiko simula alas-4 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi dahil may mga trak na may kargang gulay o mga pagkain na magbababa sa nasabing night market. Ngunit, paglagpas ng alas-7 ng gabi ay hindi na sila maaaring pumarada dito ngunit pwede silang lumipat sa kabilang bahagi ng naturang night market.

Tiniyak naman ni Tubera na tuloy-tuloy nilang gagawin ang kanilang mga sinimulang hakbang sa pagsasa-ayos sa Divisoria kung saan mahigit dalawang taon na nila itong ipinapatupad.  

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: