Youth advocacy group nababahala sa lumalalang brownout

Nababahala ang isang youth advocacy group sa nagpapatuloy na problema ng suplay ng kuryente sa mga probinsya at sinusulong ang abot-kaya at abot-kamay na suplay ng kuryente para sa lahat.

Ayon kay Francine Pradez, youth lead convenor ng grupong ILAW, ay hindi na nabigyang-pansin ang lumalalang problema sa enerhiya sa mga lalawigan.

Taya ng kanilang grupo na umaabot sa bilyong piso ang nawawala sa ekonomiya kada araw dulot ng malawakang brownout.

Isang halimbawa ang nangyaring brownout nitong pagpasok ng Bagong Taon sa Western Visayas partikular sa lalawigan ng Panay kung saan nasa 4.5 milyong mamamayan ang naperwisyo.

Kamakailan ay nagkaroon naman ng apat na araw na blackout sa Iloilo na nagdulot sa P3.7 bilyon pagkawala sa ekonomiya.

Nakararanas din ng madalas na brownout ang mga lalawigan ng Batangas, Basilan, Davao del Norte at Cebu na pawang mga tourist destination.

Patuloy namang umaaray ang mga residente ng Palawan sa mataas na singil sa kuryente sa nasabing probinsiya na aakyat umano sa P17 kada kilowatt hour ngayong taon.

Kumpiyansa si Pradez na sa pamamagitan ng pagtatatag ng kanilang grupo, na nakatuon sa pagpapalakas sa enerhiya, ay malaki ang magagawa ng sama-samang pagkilos ng mga konsyumer upang malutas ang lumalalang suliranin sa kuryente na mamanahin ng mga kabataan sa hinaharap.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.