Yorme Isko nanawagan sa mga mamimili sa pampublikong pamilihan sa Maynila na obserbahan ang health protocols

Umaapela si Manila Mayor Isko Moreno sa mga mamimili sa Divisoria at iba pang pampublikong pamilihan sa lungsod, na obserbahan ang mga health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), partikular na rito ang social distancing.

Ang apela ay ginawa ng alkalde, kasunod ng mga ulat na siksikan na ang mga mamimiling dumarayo sa Divisoria kapag weekend, lalo na ngayong nalalapit na naman ang panahon ng Kapaskuhan.

Kaugnay nito, pinaalalahanan rin ni Moreno ang mga mamimili na malaking pera ang kanilang gagastusin kung mahahawahan sila ng COVID-19 dahil lamang sa kanilang kapabayaan.

Bukod dito, maaari rin aniyang malagay sa alanganin ang kanilang buhay kung magiging matigas ang ulo.

“Baka gusto niyo makatipid, pero nagpabaya naman kayo, milyon po ang gagastusin niyo pag kayo nagka-COVID, milyun-milyon, at di pa tiyak kung kayo ay maliligtas,” babala pa ni Moreno, sa panayam ng mga mamamahayag lahapon.

“Kaya importante ang malasakit sa kapwa, malasakit sa sarili at disiplina. Yun ang aking panawagan,” dagdag pa ng alkalde.

Nauna rito, napaulat na sa kabila nang paulit-ulit na paalala ng mga guwardiya sa mga mamimili sa Divisoria nitong Linggo ay hindi pa rin nakikinig ang mga ito at siksikan pa rin sila sa pamimili.

Bukod sa physical distancing, kabilang din sa health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan upang maiwasan ang hawahan ng COVID-19 ay pagsusuot ng face mask at face shield, at madalas na paghuhugas ng kamay.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.