Wanted sa rape, nalambat sa Navotas

Share this information:

NASAKOTE ng mga awtoridad sa isinagawang manhunt operation ang isang most wanted person dahil sa kasong rape sa Navotas City kamakalawa ng hapon.

Ang naarestong akusado ay kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging na si Aldrin Pineda, 33 anyos, isang data analyst at residente ng No. 40 Camia St., Merville Subdivision, Brgy. Tanza 2.

Ayon kay Col. Ollaging, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Navotas Police Warrant and Subpoena Section (WSS) sa ilalim ng pangangasiwa ni PSMSgt. Normito Tapon na nakita ang akusado sa kanilang lugar.

Agad bumuo ng team ang mga operatiba ng WSS sa pangungunan ni PCpl. Aaron Pacpaco saka isinagawa ang manhunt operation kung saan naaresto si Pineda sa kanyang bahay dakong 1:30 ng hapon.

Sinabi ni PSMSgt. Tapon, si Pineda ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Cecilia Parallag, Family Court Branch 9, Navotas City para sa kasong Rape at Acts of Lasciviousness in relation to Section 5 (b) ng RA 7610.

Kasalukuyang nakapiit ang naarestong akusado sa Navotas City Police Custodial Facility.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.