Tatlo, timbog sa drug buy bust sa Valenzuela

DIRETSO sa kulungan ang tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos masakote sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni PLt. Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police ang mga naarestong suspek na sina Leandro Villegas alyas “Ian,” 36 anyos, company driver, Joel Solis, 40 anyos, scrap agent, kapwa ng Brgy. Karuhatan, at Joey Leccio, 29 anyos, at isang ahente ng 163 Rivera St., Brgy. Sta Quiteria, Caloocan City.

Sa report ni SDEU investigator PCpl. Pamela Joy Catalla kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr., dakong ala-una ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLt. Madregalejo ng buy-bust operation sa harap ng Blk. 13 Milestone Subd., Brgy. Katuhatan.

Nagawang makipagtransaksyon ni PCpl. Maverick Jake Perez na nagpanggap na poseur-buyer ng P500 halaga ng droga kay Villegas at Solis.

Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad lumapit ang back-up na sina PCpl. Noriel Boco at PCpl. Isagani Manait saka dinamba ang mga ito kasama si Leccio na nakuhanan ng isang sachet ng hinihinalang shabu.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 6 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P40,800, buy-bust money, P1,000 cash, eyeglass case at dalawang cellphones.

Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.