“Walk of Faith,” isasagawa sa kapistahan ng Poong Hesus Nazareno

Share this information:

MAGKAKAROON ng “Walk of Faith” sa Enero 2023 bilang bahagi ng kapistahan ng Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.

Sinabi ni Quiapo Church Attached Priest Fr. Earl Allyson Valdez na bagama’t ipagpaliban ang  nakagawiang prusisyon ng Poong Nazareno ay isasagawa naman ang Walk of Faith sa Enero 8, 2023 o isang araw bago ang kapistahan ng Poong Nazareno.

Kahit wala yung ating tradisyunal na prusisyon ay madaragdag sa ating mga schedule of activities yung Walk of Faith o Lakad Pananampalataya na gaganapin sa madaling araw ng January 8,” pahayag ni Fr. Valdez.

Ayon sa pari, magsisimula sa pamamagitan ng isang Banal na Misa ganap na alas 12 ng hatinggabi ng Enero 8 sa Quirino Grandstand na agad susundan ng Walk of Faith.

Kasalukuyang isinasapinal ang rutang dadaanan mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church.

Gayunpaman, paalala ni Fr. Valdez sa mga debotong lalahok sa Walk of Faith na magdala ng kandila at mahigpit na sundin ang ipatutupad na alintuntunin at protocols para mapanatiling ligtas ang kalusugan ng mananampalataya.

Napagkasunduan din ng Basilica at lokal na pamahalaan ng Maynila ang mahigpit na pagpapatupad ng pagsusuot ng face mask ng bawat dadalo.

Ito na ang ikatlong taon na ipinagpaliban ang tradisyunal na Traslacion ng Poong Hesus Nazareno dahil pa rin sa patuloy na banta sa kalusugan ng COVID – 19.

Bagama’t suspendido ang Traslacion, unti-unting namang ibabalik ng Quiapo Church ang ilan sa mga gawain tuwing kapistahan tulad ng pagsasagawa ng Banal na Misa sa Quirino Grandstand kung saan nakatanghal ang replica image ng poon para sa “Pagbibigay Pugay” sa halip na pahalik.

Gayundin ang tuloy-tuloy na Fiesta masses mula sa hapon ng Enero 8 hanggang sa gabi ng Enero 9 o kabuuang 34 na misa ang ilalaan ng Basilica para sa Traslacion 2023.

Pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang Misa Mayor sa alas dose ng hatinggabi ng January 9 sa Quirino Grandstand.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.