TAYMPERS muna tayo sa English column para sa isang espesyal na paksang kinakikitaan ng isang tahasang panggagago sa polisiya kontra katiwalian ni Pangulong Rodrigo Duterte ng isang pribadong kontratistang pawang paninindikato ang diskarte sa buhay.
Sa ikalawang yugto ng kwento ni JC Palaboy, hahalukayin pa natin ang modus ng isang negosyanteng gumapang at gumamit ng mga dinuktor na dokumento para makuha ang P1.1 bilyong halaga ng kontrata sa pag-iimprenta ng mga learning modules.
Saan ka ba naman makakakita ng isang kontratistang [mayroon lamang P10.6 million total assets noong taong 2019 at P132 million nang sumunod na taon] ang daig pa ang tumama sa Mega Lotto jackpot nang makuha nito ang kontratang 11 ulit na mas malaki kaysa sa kanyang deklaradong financial statement? Aba, dito lang yan sa Department of Education (DepEd).
Jackpot si JC Palaboy at iyan ay dahil sa tulong ng isang kongresistang nanggigipit sa nasabing kagawaran gamit ang mandato niya bilang isang mambabatas.
Ang siste, kung hindi siya pagbibigyan ng DepEd, siguradong titindig ito sa gitna ng plenaryo para isulong ang kanyang “investigation in aid of legislation” – isang mekanismong maglalagay sa anumang kagawaran sa matinding kahihiyan na posible pang maging mitsa ng pagkakasibak at asunto ng mga kakuntsaba nito sa gobyerno.
Nadiskubre din nating bago pa man nasungkit ni JC Palaboy ang P1.1 bilyong halaga ng kontrata, ito din pala ang naglimbag ng mga palpak na modules na sentro ngayon ng isang Senate inquiry na naghahanap ng kasagutan hinggil sa kontrobersiyang naglagay sa ating education system sa balag ng alanganin. Naging sentro pa tayo ng katatawanan hanggang sa ibang bansa dahil dito.
Sa ating pagsasaliksik, hindi lang pala sa DepEd nagkakalat ng lagim si JC Palaboy dahil maging sa government printing agency na APO Production Unit, Inc., may raket pa din ito.
Napag-alaman nating sila pala ang kinontrata ng APO para sa printing backlogs nito. Ginagamit din umano ni JC Palaboy ang government printing facilities para sa mga kontratang nakukuha nito mula sa mga regional offices ng DepEd.
Base dito, mapagtatanto nating wala talagang kakayahan si JC Palaboy – lalo pa’t isang napakalaking printing contract ang nakuha niya.
Mapapaisip ka na lang na parang iginigisa ni JC Palaboy ang gobyerno sa sarili nitong mantika. Mantakin mong sa government printing facility din pala niya ipagagawa ang kontratang nakuha niya sa isa pang ahensiya ng pamahalaan.
Kung di ako nagkakamali, bawal na bawal ang subcon sa APO. Iyan ay nakasaad sa General Provisions of General Appropriations Act for Fiscal Year 2019. Ito ay malinaw na paglabag sa Section 4.6 ng Government Procurement Policy Board Resolution No. 05-2010.
Bawal din igawad sa isang kontratista ang anumang kontratang higit pa sa kakayahan nito. Sa kaso ni JC Palaboy, hanggang P100 million lang ang maximum na halaga ng kontrata na pwede niyang pasukin batay sa kanyang isinumiteng Audited Financial Statement at Net Financial Contracting Capacity (NFCC) noong taong 2019 at 2020 – at hindi isang P1.1 bilyong kontrata para sa paggawa ng mga learning modules na gagamitin ng mga estudyante para sa school year 2021-2022.
Ang nakakapagtaka ay kung paanong nagawa ni JC Palaboy na makakuha ng NFCC na nagsasabing kwalipikado siya sa mga government contract na nagkakahalaga ng P1.99 billion pababa.
Dalawa lang ang pwedeng sagot diyan – palsipikado ang kanyang NFCC o may isa na namang tiwaling nakipag-kuntsabahan sa paninindikato ni JC Palaboy.
Sa ganang akin, minamaliit ng JC Palaboy na ito ang kakayahan ng Pangulong supilin ang katiwalian.

