WALA nang mangyayaring extension o pagpapalawig sa voter registration para sa darating na halalang 2022, ayon ito sa Commission on Elections (Comelec).
Ito ang binigyang-diin ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na ang pagpapatala para sa May 9, 2022 elections ay hanggang Setyembre 30 na lamang at hindi na ito ie-extend pa.
Paalala ng Comelec, maaring magpatala ang mga botante sa mga opisina ng Comelec mula Lunes hanggang Biyernes simula alas 8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon.
Kailangan lamang dalhin ang kanilang identification card, ballpen, at voter registration form.
Mahigpit ding ipapatupad ang safety protocols kabilang ang pagsusuot ng face mask, face shield, gayundin ang physical distancing.
Samantala, sinabi din ni Guanzon na inaasahan na ng Comelec ang mababang voter turnout sa susunod na halalan dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
Aniya, ang nakaraang national average turnout ay halos 70 porsiyento.