VM Lacuna, city health officials, nagpabakuna; Yorme Isko, inip na

Share this information:

Nagpabakuna na rin para sa unang dose si Manila Vice Mayor Maria Shielah Honey Lacuna-Pangan  at iba pang  health officials ng pamahalaang lungsod sa Sta. Ana Hospital ngayong umaga.

Kasunod ito ng isinagawang ceremonial vaccination  ng medical frontliners sa naturang ospital na pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.

Sinabi ni Domagoso na hihintayin pa nito ang tamang pahintulot  para siya ay mabakunahan  dahil batay sa polisiya, ang prayoridad sa babakunahan ng COVID-19 vaccines  ay mga frontliners.

“Gustong-gusto ko na magpabakuna ng Sinovac. Pitong beses na akong na-expose sa COVID-19 positive. Salamat sa Diyos, pitong beses na rin akong nag-negative,” ayon kay Domagoso

“Araw-araw akong nasa risk tulad ng ibang mga mayor. Pero patuloy pa rin tayong susunod sa national policy na unahin ang mga medical frontliner. I will wait for my turn,” dagdag pa nito.

Target naman ng ospital na mabakunahan ang 200 medical frontliners  sa unang araw ngunit umabot lamang ng 163 ang nabakunahang medical workers.

Kabilang sa mga nabakunahan ay sina Acting City Health Officer Arnold “Poks” Pangan, Sta. Ana Hospital Director Dra. Grace Padilla, Sta. Ana’s Manila Infectious Disease Control Center Head Dra.  Nerissa Sescon, Ospital ng Sampaloc Director Dra. Aileen Lacsamana, at Ospital ng Maynila Medical Center Hospital Director Dr. Karl Laqui.

Hinikayat naman ng bise alkalde ang publiko na magpabakuna upang maprotektahan ang kanilang sarili laban sa virus.

“Honestly, hindi ko alam na natapos na pala yung pagbabakuna sa akin kaya hinihikayat ko po ang lahat na proteksyunan ninyo po ang sarili niyo,” ani Lacuna-Pangan.

“Magpabakuna po kayo habang andidito po at may pagkakataon, lalong lalo na po ang ating medical frontliners,” pahayag pa ng bise alkalde. 

(Photo credit: pna.gov.ph)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.