Walo katao, arestado sa tupada

Share this information:

Arestado ang walong katao kabilang ang isang binatilyo matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang ilegal na tupadahan sa Caloocan City kamakailan.

Kinilala ang naarestong mga suspek na sina Alan Aizon, 55 anyos, (bet collector/kasador), Alan Abarracoso, 32 anyos, Jun Domingo, 49 anyos, Edgardo Claros, 41 anyos, Romeo Villanueva, 48 anyos, Erwin David, 45 anyos, Rogelio Ramos, 38 anyos, at ang 13-anyos na binatilyo.

Sa report ni District Special Operation Unit (DSOU) head PLt. Col. Allan Umipig kay Northern Police District (NPD) Director PBrig. Gen. Nelson Bondoc, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang impormante na may nagaganap na illegal gambling (tupada) sa Block 2, Brgy. 14, Langaray.

Kaagad bumuo ng team ang mga operatiba ng DSOU sa pamumuno ni P/Major Amor Cerillo saka sinalakay ang naturang lugar dakong ala-una ng hapon na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Ayon kay PSSgt. Allan Reyes, nakumpiska sa lugar ang dalawang panabong na manok na may tari, isang patay na panabong na manok na may tari at P1,500 bet money na nakuha kay Aizon.

Kasong paglabag sa PD 1602 o Illegal Cockfighting ang isinampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa piskalya ng Caloocan City habang dinala naman sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development ang menor-de-edad.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.