Viral TikToker na nanglait sa alkalde ng Maynila, nag-public apology na

KUSANG humarap sa tanggapan ng  Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) sa Manila City Hall ang mga magulang at lola ng mga Tiktokers na nag-viral matapos nitong murahin at laitin ang alkalde ng lungsod ng Maynila.

Sa kanyang pakikipag-usap kay SMaRT Chief P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., labis na pinagsisisihan ng Tiktoker na si Car Lazaro, 20 anyos, ang kanyang nagawa na aniya ay wala naman siyang masamang intensyon sa alkalde dahil batid naman niya ang magandang ginagawa ng alkalde sa lungsod.

Nadala lamang aniya siya kasama ng kanyang dalawang kaibigan sa Tondo dahil sa kalasingan.

Sinamahan ng kanilang magulang at lola ang binatilyo upang magpahayag ng “public apology” bagamat sinabi ni Ibay na hindi naman sila ipinatatawag ni Manila Mayor Francisco Domagoso.

Nabatid na inulan ng masasamang komento, pananakit at pagbabanta ang binatilyo. 

“Gusto ko pong humingi ng tawad unang una po sa lahat kay Yorme po. Wala naman po talaga akong intensiyon na siraan po kayo dahil alam ko naman po ang mga ginawa ninyo sa Maynila, nadala lang po ako ng pagkainum ko. Alam ko naman po na mabuting tao po si Yorme. Sa mga nanonood po humihingi po ako ng tawad. Mali ko po talaga yun, inaamin ko po kaya ko po nasabi yun nadala lang po ng pagkainum ko,” paiyak na lahad ni  Carl sa Facebook Live ni Col. Ibay.

Ayon  naman kay Ibay, sinabihan lamang siya ni Mayor Domagoso na payuhan ang binatilyo at hindi naman umano nagdalawang isip ang alkalde na agad itong patawarin dahil aniya hindi naman umano pinapansin ng alkalde ang nasabing viral video kahit pa ipinapakita na ito sa kanya.

“Ang payo lang natin think before you click, kase dito madami ka masasaktan. Hindi lang mga damdamin ng mga nagmamahal kay Mayor kundi halos lahat ng batang Maynila,” pahayag pa ni Col. Ibay.

Kasabay ng paghingi naman ng tawad ng lola ni Carl ang pangako na hindi na mauulit pa ang nangyari.

Pinayuhan din ni Col. Ibay ang lola at magulang na humarap sa tanggapan ng SMaRT na gabayan ang kanilang mga anak.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.