Breaking News

Share this information:

MALUBHANG nasugatan ang isang vendor matapos itong pagtulungan saksakin at gulpihin ng isang grupo ng mga kalalakihan sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Inoobserbahan na sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa kanang balikat at bugbog sa katawan ang biktimang si Carlos Basia, 37 anyos, ng Blk 14 Teachers Village, Brgy. Longos.

Patuloy naman ang follow-up na imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente.

Sa report nina police investigators PSSgt, Mardelio Osting at PSSgt. Diego Ngippol kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-9:30 ng gabi, lumabas ng kanilang bahay ang biktima upang bumili ng milk tea.

Gayunman, pagdating sa Block 9C, Brgy. Longos ay nasalubong ng biktima ang isang grupo ng tambay na mga kalalakihan at isa sa mga ito ang nagsalita ng “ito yung sumita sa atin ah.”

Matapos nito, isa sa mga suspek ang agad na sumaksak sa kanang balikat ng biktima habang ang iba ay pinagsusuntok, pinagsisipa at pinagpapalo siya ng bote at piraso ng kahoy sa katawan.

Masuwerteng isa sa mga kapitbahay ang sumigaw sa mga suspek na naging dahilan upang magkaroon ng pagkakataon ang biktima na makatakbo palayo hanggang sa makahingi siya ng tulong sa mga barangay tanod na nagsugod sa kanya sa naturang pagamutan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: