Unang safety seal, iginawad ng DOLE sa isang food company

IGINAWAD kamakailan ang kauna-unahang safety seal sa isang food manufacturing company  sa Valenzuela City.

Ang CDO Foodsphere, Inc., na kung saan ang mga pangunahing produkto nito ay mga homemade meal, ay ginawaran ng safety certification ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pangunguna ni Secretary Silvestre Bello III 

Ang Safety Seal Certification Program ay batay sa direktiba ng Inter-Agency Task Force Resolution No. 87 s. 2020 at ang manufacturing company ay nasa ilalim ng awtoridad ng DOLE, kasama ang mga establisimyento sa construction, utilities, information and communication, at warehousing industry.

Pinasalamatan ni CDO Chief Executive Officer Jerome Ong ang DOLE sa pagkilala sa kanilang pagsisikap na mapangalagaan ang kanilang mga tao at kanilang produkto.

Dito sa CDO, nakatuon lamang kami sa tatlong bagay upang lampasan ang mga hamon ng pandemya – protektahan ang kaligtasan ng mga empleyado, pagpapanatili ng ligtas na lugar-paggawa, at pagtataguyod ng business mobility,” pagbabahagi ng CDO chief.

Ayon sa kalihim, patunay  nito na sinusportahan ng kompanya ang layunin ng  pamahalaan na maging ligtas ang muling pagbubukas ng ekonomiya.

“Pinupuri at binabati ko ang Foodsphere sa kanilang pangunguna na makatanggap ng safety certification para kumpirmahin ang kanilang pagsunod sa minimum public health standard na ipinag-utos ng pamahalaan,” pahayag ni Bello.

Ang safety seal ay magtataas sa kumpiyansa ng publiko dahil tinitiyak ng kompanya ang kalusugan at kaligtasan ng mga empleyado nito, ayon pa kay Bello.

Maaari nang tiyakin ng mga organisasyon na may safety seal certification sa kanilang stakeholder, lalo na ang kanilang manggagawa, na sila ay ligtas at protektado sa kanilang lugar-paggawa,” dagdag ni Bello.

Inaasahan din ng kalihim na  magbibigay inspirasyon sa iba pang mga negosyo na kumuha ng safety seal certification.

Kasama din sa ginanap na seremonya sina DOLE Undersecretary Renato Ebarle, Assistant Secretary Ma. Teresita Cucueco, at DOLE NCR Director Sarah Buena Mirasol.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.