Bakunahan Express, isinagawa sa Maynila

NAKIPAGTULUNGAN na rin sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa Office of the Vice President para sa mas pinalawak pang vaccination program ng pamahalaan.

Kasabay nito ang pagtatalaga ng “vaccine express” na nagsimula ngayong araw kung saan maaaring magpabakuna ang mga rider kontra COVID-19 sa pamamagitan ng “drive-thru” sa Cultural Center of the Philippines (CCP).

Ang vaccine express ayon kay Manila Mayor Francisco Domagoso ay  proyektong ipinagkaloob ni Vice President Leni Robredo na libreng bakuna para sa mga driver ng tricycle, pedicab at delivery rider.

Pinayuhan naman ng bise presidente ang mga nais magpabakuna na magparehistro lamang sa www.manilacovid19vaccine.ph at maaari nang magpunta sa CCP.

Matatapos ang libreng bakuna na handog ni VP Leni bukas, June 23.

Samantala, binigyang-diin ng alkalde na ang pagtulong ni VP Leni sa Maynila ay hindi dapat bigyan ng kulay politika dahil sa panahon aniya ngayon, ang kailangan ay pagtutulungan at pagkakaisa.

Panahon din aniya ngayon para mas tutukan pa ang paglaban sa pandemya.

Giit pa ni Domagoso, ang tanging layunin lamang aniya ng pamahalaang lungsod ay labanan ang COVID-19, pakainin ang mga mahihirap na Manileno lalo ngayong marami ang naapektuhan dulot ng pandemya matapos mawalan ng trabaho at hanapbuhay ang marami.

Gayundin, nakatuon din ito sa pagpapalakas sa ekonomiya ng lungsod.

Wala muna akong ine-entertain na mga political na bagay. All talks of coalition or any political talk is untimely and premature,” pahayag pa ng alkalde sa nasabing aktibidad.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.