MABILIS na tinapos ang sesyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa gitna ng ugong ng bantang kudeta kay House Speaker Alan Peter Cayetano.
Matapos ang roll call o pagtatawag ng attendance ng mga mambabatas kung saan ay 299 ang present ay umusad na sa Order of Business.
Ngunit matapos na mabasa sa 1st reading ang mga panukalang batas ay agad na ring sinuspindi ang sesyon dakong alas-3:18 ng hapon na pinangunahan ng naupong presiding Deputy Speaker na si Batangas Rep. Raneo Abu.
Una nang kumalat nitong weekend ang sinasabing text message ni Presidential Son at Davao City Rep. Paolo Duterte na ipadedeklarang bakante ang mga posisyon ng Speaker at Deputy Speakers.
Ito ay dahil ng pagkadismaya umano ng ilang kongresista sa hindi patas na alokasyon ng pondo ng Department of Public Works and Highways para sa mga distrito sa bansa.
Samantala, hinimok naman ni Deputy Speaker Luis Raymund “LRay” Villafuerte ang mga mambabatas na tutukan na ang mabilis na pagtitibay ng 2021 national budget.
“Sana pabayaan na muna natin na ipasa ‘yung budget para ‘wag naman maapektuhan ang ekonomiya,” pahayag ni Villafuerte.
“Ang alam ko, nag-usap na si Speaker at si Deputy Speaker Pulong. I think na-settle naman lahat ‘yung mga concerns na ipinaparating sa kanya. Even in the same way, kung meron man, aayusin po ‘yun, kasi ang talagang objective naman ni Speaker Cayetano ‘di ba ano — ‘people first, politics later,’” dagdag nito.