Nalaslas ang kaliwang braso ng isang kostumer na umiinom ng softdrinks matapos hindi pumatol sa suntukan sa isang tindahan kagabi sa Barangay Cahigam, Rosario,Batangas.
Nakilala ng Rosario Municipal Police Station ang biktima na si Noli De Castro y Oftial habang ang suspek naman ay natukoy na si Eddy Marasigan y Rosales .
Umiinom ng softdrinks sa harap ng isang tindahan sa Brgy. Cahigam ng naturang lugar si De Castro nang biglang dumating ang suspek na si Marasigan at naghamon ng suntukan.
Nang hindi patulan ng biktima ang suspek ay dali-dali nitong kinuha ang kanyang itak sa kanyang tagiliran at tinaga si De Castro.
Tumakbo patungong Brgy. Bulihan, Rosario, Batangas si Marasigan matapos tagain ang biktima sa kaliwang braso.
Nagsasagawa na ang Rosario MPS ng follow-up operation upang dakpin ang tumakas na suspek.