Umano’y mastermind sa paglikida kay Atty. Magcamit sa Palawan, sumuko

SUMUKO na sa mga awtoridad ang itinuturong mastermind umano sa pagpaslang kay Atty. Eric Jay Magcamit sa Palawan.

Ayon kay Police Col. Nicolas Torre III ng Palawan Provincial Police Office (PPPO), kusang nagtungo sa kanilang himpilan nitong araw ng Biyernes si Marcelino Quoyo.

Ito ay dalawang araw makalipas siyang sampahan ng kasong murder sa provincial prosecutor’s office kasama ang pulis na si Master Sergeant Ariel Pareja at anim na iba pa.

Ang pagsuko umano ni Quoyo sa pulisya ay para ipakita na inosente siya sa mga paratang laban sa kanya at para na rin sa kanyang seguridad.

Si Quoyo ang tumatayong kalaban ni Joel Hermogenes na kliyente ni Magcamit.

Itinuturong ugat ng alitan ang pagsasampa ng kaso ni Quoyo ng kasong grave coercion kay Hermogenes kaugnay ng agawan ng lupa sa bayan ng Quezon sa Palawan.

Naniniwala naman ang mga kaanak ni Quoyo na inosente ito dahil wala umanong kakayanang pinansyal para umarkila ng gunman.

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng PNP-CIDG Palawan si Quoyo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.