NAITALA ang pinakamalamig na temperatura sa bansa ngayong umiiral ang Amihan sa La Trinidad, Benguet na 9.9 degrees Celsius nuong Huwebes ng umaga.
Pero ayon kay GMA resident meteoreologist Nathaniel “Mang Tani” Cruz, asahan pa ang mararanasang mas malamig na panahon sa mga susunod na buwan.
Sa Marso ng susunod na taon pa aniya inaasahan na matatapos ang Amihan season na nagsimula nuong Oktubre.
Gayunman, sinabi ni Mang Tani na kaakibat ng malalamig na temperatura ang pagyeyelo o andap na makaaapekto sa mga tanim sa Cordillera region.
Nuong Miyerkules ay umabot ng 10 degree Celsius ang temperatura habang naitala ang 13.5 degree Celsius sa Baguio City.
Sinabi rin ni PAGASA weather forecaster Ariel Rojas, na sa ikalawang bahagi ng Disyembre ay magiging malamig na ang panahon at titindi pa pagsapit ng Enero at Pebrero ng susunod na taon.
Samantala, tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III na walang magiging malaking epekto sa paglaganap ng COVID-19 ang paglamig ng panahon sa bansa.
Ayon kay Duque, bagamat sinasabing madaling kumalat ang virus sa mga sobrang malalamig na panahon o kung minsan ay naitatala ang zero degree Celsius, hindi naman matinding lamig ang nararanasan sa Pilipinas.
Gayunaman, kinakailangan pa rin aniya ang ibayong pag-iingat kontra sa hawaan ng COVID-19.
Ipinaalala rin ng kalihim na patuloy na sundin ang ipinaiiral na minimum health standards upang makaiwas na kumalat pa ang virus.