Kalaboso ang kinahantungan ng isang tulak ng ilegal na droga matapos makumpiskahan ng halos Php 400,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr. ang naarestong suspek na si Arvin Amion alyas Daga, 25 anyos, ng Phase 6, Brgy. 178, Camarin Road, Caloocan City.
Sa ulat, dakong 3:40 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Mina malapit sa bahay ng suspek.
Nang tanggapin ng suspek ang P7,500 marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba.
Narekober sa suspek ang humigit-kumulang sa 55 gramo ng shabu na tinatayang nasa Php 374,000.00 ang halaga at buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at pitong piraso ng P1,000 boodle money.