4 nasakote sa baril at halos P.4M shabu sa Malabon

Apat na drug personalities ang arestado matapos makumpiskahan ng baril at halos Php.4 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Angela Rejano ang mga naarestong suspek na si Eduardo Sanchez, 47, (pusher/listed) ng Santos St. Brgy. Niugan, Nicolo Felongco, 36, (pusher/listed), Grab driver, at Leo Ponce, 42, kapwa ng Sta Rita St., Sto Rosario Village, Brgy. Baritan, at Marlon Sarmiento, 37, (user/listed) ng N. Vicencio St. Brgy. Niugan.

Sa imbestigasyon ni PSSgt. Salvador Laklaken Jr., dakong 2:45 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. John David Chua sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Rejano sa Sta Rita St. Sto Rosario Village Brgy. Baritan.

Nagawang makapagtransaksyon kay Sanchez at Felongco ng isang undercover na operatiba na nagpanggap na buyer ng Php 8,500 halaga ng shabu.

Nang tanggapin ni Sanchez at Felongco ang marked money mula sa buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad lumapit ang back up na mga operatiba saka sinunggaban ang mga ito, kasama si Ponce at Sarmiento.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 55 gramo ng shabu na tinatayang nasa P374,000 ang halaga, isang cal. 45 pistol na may magazine na kargado ng 3 bala at marked money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at 16 piraso ng P500 boodle money.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.