NADAKIP ng pinagsanib na puwersa ng Warrant and Subpoena Section (WSS), Station Intelligence Section (SIS) at Regional Mobile Force Battalion ng National Capital Region Police Office (RMFB-NCRPO) ang Top 6 Most Wanted Person ng Malabon City kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.
Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong June 3, 2021 ni Malabon Regional Trial Court Judge Catherine Therese Tagle-Salvador ng Branch 73 para sa kasong Rape si Christopher Baltazar, 46 anyos, sa Macanas St., Brgy. Panghulo dakong alas-9 ng gabi.
Kasama ng mga tauhan ni P/CMSgt. Gilbert Bansil, hepe ng WSS ang mga operatiba ng 4th Mobile Force Company (MFC), RMFB-NCRPO sa pangunguna ni P/Capt. Ronilo Aquino, Pat. Leonardo Turla Jr., Pat. Floyd Christian Garcia at SIS sa pangunguna ni PLt. Zoilo Arquillo nang isagawa ang pag-aresto sa akusado.
Sa pahayag ni P/SMSgt. Addrich Reagan De Leon, isa sa mga arresting officer, noong nakaraang taon ng January at December nang maganap umano ang panghahalay ng suspek sa kanyang stepdaughter na 11-anyos sa kanyang bahay sa Brgy. Panghulo, Malabon City.
Nang magbakasyon ang biktima sa tunay niyang ama sa Laguna ay ayaw na nitong bumalik hanggang sa malaman ng kanyang ama ang ginawang panghahalay ng suspek sa anak niya.
Noong January 2021 ay nagtungo sila sa bahay ng suspek subalit hindi na nila ito naabutan kaya nagreklamo at nagsampa ng demanda ang ama kasama ang kanyang anak sa pulisya at piskalya ng Malabon City.