Tatlong pulis Maynila, laglag sa entrapment ng PNP-IMEG

Share this information:

KALABOSO ang kinahantungan ng tatlong pulis Maynila matapos silang mahuli sa entrapment operation nang tumanggap ng pera kapalit ng isang impounded na motorsiklo.

Naganap umano ang transaksyon sa loob pa mismo ng Police Community Precinct (PCP) sa Paco, Maynila Lunes ng gabi.

Kinilala ang mga inaresto na sina  PSSgt. Erwin Licuasen y Basilan, 34 anyos, ng BIk. 7 Lot 22, Unit 28B Pagrai Hills, Mayamot, Antipolo City;  PCpl. Chimber Rey Importa, 32 anyos, ng 2938 F. Manalo St., Punta Sta. Ana, Maynila; at Patrolman Leopoldo Tuason y Nival, 39 anyos, ng 1231B Mithi St., Tondo, Maynila.

Ang naturang mga pulis ay pawang nakatalaga sa Paco Police Community Precinct (PCP) ng Manila Police District (MPD)-Station 5.

Pasado alas-10 ng gabi nang isagawa ng Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG) ng Philippine National Police ang entrapment operation sa loob ng Paco PCP sa Pedro Gil St., corner A. Linao St., Paco, Maynila hinggil sa isang na-impound na motorsiklo.

Sa ulat, dalawang kalalakihan ang pumasok sa loob ng nasabing PCP at kinausap si Licuasen hinggil sa umano’y na-impound na motorsiklo.

Matapos ang kanilang pag-uusap, nag-abot umano ng di pa batid na halaga kay Licuasen, na siyang hudyat upang pumasok ang mga operatiba ng IMEG, Camp Crame at inaresto ang tatlo.

Dinala ang tatlo sa Camp Crame para sa imbestigasyon.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.