TATLONG drug personalities ang magbabakasyon sa kalaboso matapos silang mahulihan ng mahigit P.1 milyon halaga ng shabu makaraang matimbog sa isang buy-bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Ang mga naarestong suspek ay kinilala ni PLt. Doddie Aguirre, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police bilang sina Manuel Cardenas Jr., 49 anyos, ng M.H. Del Pilar St., Mabolo, Israel Pangan, 49 anyos at Harry Bhong Maroto, 29 anyos, welder, kapwa ng Brgy., Arkong Bato.
Sa ulat ni PCpl. Glenn De Chavez kay Valenzuela police chief Col. Salvador Destura, Jr., dakong alas-2:10 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLt. Aguirre ng buy-bust operation sa Buko St., Brgy., Balangkas kung saan nagawang makipagtransaksyon ni PSSgt Arvin Lirag na umakto bilang poseur-buyer ng P500 halaga ng shabu mula kay Cardenas.
Matapos matanggap ang pre-arranged signal mula sa poseur-buyer na nakabili na siya ng shabu kay Cardenas ay agad lumapit ang back-up na mga operatiba saka inaresto ang suspek, kasama si Pangan at Maroto na nakuhanan din ng tig-isang plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Nakumpiska sa mga suspek ang pitong heat sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng humigit kumulang 22 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P149,600, marked money, P700 recovered money, tatlong cellphone at coin pouch.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.