Tatlong kandidato sa Halalan 2022 sa Daraga, Albay, minasaker sa loob ng “ukay-ukay”; Peter Advincula alyas “Bikoy,” suspek sa krimen

Share this information:

TATLONG indibidwal na pawang kandidato sa 2022 national elections ang nadiskubreng patay sa loob ng isang “ukay-ukay” store sa bayan ng Daraga, Albay.

Nakilala ang mga biktima na sina Councilor Helen Advincula Garay, Kareen Averilla, 44 anyos, at Xavier Mirasol, 61 anyos, pawang mga residente ng lungsod.

Ayon kay Police Major Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office 5 (PRO5), si Garay ay kasalukuyang konsehal na kakandidato para sa pagka bise-alkalde sa Donsol, Sorsogon habang sina Averilla at Mirasol ay tatakbo sa pagka konsehal ng Daraga sa ilalim ng United Nationalist Party (UNP).

Hindi pa malinaw sa ulat kung ano ang ginamit na bagay sa karumal-dumal na pagpaslang sa mga biktima na nagtamo ng malalalim na sugat sa iba’t ibang parte ng katawan.

Natagpuan ang bangkay ng mga biktima sa loob ng clothing store na pag aari ni Garay sa CAN Building sa Barangay Busay pasado alas-7 ng umaga ngayong Biyernes, Nobyembre 12, 2021.

Nabatid kay Calubaquib na agad ikinostudiya ng Daraga Municipal Police Station si Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy” dahil sa sinasabing may kinalaman ito sa brutal na krimen.

Sinasabing bago naganap ang insidente ay huling nakita si Advincula na kasama ng tatlong biktima na nag-uusap sa loob ng nabanggit na tindahan.

Napag-alaman sa imbestigasyon base na rin sa pahayag ng isang testigo, kinontak sila ni Bikoy para pag usapan ang umano’y kampanya kaugnay sa darating na eleksyon.

Kinabukasan ay sinasabing ang mismong si Advincula pa umano ang tumawag sa himpilan ng pulisya para i-report ang krimen.

Matatandaan na si Advincula na mas kilala sa tawag na “Bikoy” ay sumikat dahil sa kontroberysal na video “Ang Totoong Narcolist” kung saan idinawit nito si Davao Representative Paolo Duterte sa illegal drug trade, na kalaunan ay itinanggi nito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.