TIMBOG sa mga awtoridad ang tatlong holdaper na sangkot umano sa serye ng robbery hold up at snatching matapos biktimahin ang isang dalaga sa Caloocan City Martes ng gabi.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Danico Jabines, 29 anyos, sidecar driver ng P. Aquino St., Brgy 2, Allan Cruz, 45 anyos, vendor ng Tondo, Maynila at Arwin Cayago, 33 anyos, vendor ng Brgy 3 Sangandaan.
Sa report ni PMSgt. Julius Mabasa kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Jose Hidalgo Jr., nakatanggap ang mga operatiba ng District Special Operation Unit (DSOU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt. Col. Jay Dimaandal ng impormasyon mula sa isang confidential informant na isang grupo ng mga holdaper na sangkot sa serye ng robbery hold up at snatching ay nakitang gumagala sa kahabaan ng 10th Avenue Brgy. 91, East Grace Park at naghihintay ng kanilang bibiktimahin.
Agad bumuo ng team ang mga operatiba ng DSOU sa pamumuno ni PSSgt. Ronel Tamayo, kasama sina PCpl. Mark Anthony Yu at PCpl. Michael Arceno saka pinuntahan ang naturang lugar.
Pagdating sa lugar dakong alas-7 ng gabi, napansin ng mga operatiba ang isang babae na sumisigaw ng “holdup” na naging dahilan upang agad silang rumesponde na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga naarestong suspek ang isang cal. 38 revolver na kargado ng dalawang bala, isang cal. 22 revolver na kargado ng apat na bala, isang patalim at cellular phone ng biktimang si Athea Mae Santiago, 19 anyos, ng Libis Gouchico St. Brgy. 22.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Article 295 ng Revised Penal Code (Robbery Hold Up), RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition), Batas Pambansa Blg. 6 o possession of deadly weapon at Article151 Resistance and Disobedience to person in authority.