Pharmally execs, smugglers din?

Share this information:

BUKOD sa nagbabadyang patong-patong na asunto kaugnay ng pandaraya sa buwis, panibagong problema ang kinakaharap ngayon ng dalawa sa mga opisyales ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na nasa likod ng kontrobersyal na transaksyon kaugnay ng mga overpriced na medical supplies na binili ng pamahalaan sa kasagsagan ng pandemya.

Partikular na nadidiin sina Pharmally corporate secretary Mohit Dargani at director Linconn Ong na kapwa kinukwestyon kaugnay ng dalawang luxury vehicles – isang 2021 Porsche Turbo S at 2021 model ng Lexus RCF na bagaman nakarehistro sa Land Transportation Office (LTO) ay wala naman umanong kaukulang papeles ng mga pinagbayarang buwis sa Bureau of Customs (BOC).

Sa rekord ng LTO, ang Porsche ay nakarehistro kay Dargani samantalang kay Ong naman nakapangalan ang Lexus.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa maanomalyang transaksyon ng Department of Budget and Management (DBM) sa Pharmally, hayagang inamin ng BOC na wala silang record sa pagpasok ng mga nasabing sasakyan sa kanilang talaan.

Una nang binatikos ang Pharmally sa umano’y pandaraya ng nasabing kumpanya sa kanilang taunang pagbabayad ng tax matapos madiskubreng P97 milyong lang ang kanilang ibinayad na buwis sa gobyerno sa kabila pa ng mahigit P10 bilyong kontratang nakuha sa gobyerno noong nakalipas na taon.

Lumalabas din sa talaan ng pamahalaan ang tax refund na hinihingi ng Pharmally – bagay na ikinagulat ng mga mambabatas.

Kung susuriin, malinis ang papeles ng mga nasabing luxury vehicles dahil na rin sa mga tiwaling kasapakat sa LTO kung saan inirehistro ang mga sasakyang pinaniniwalaang ipinuslit sa bansa nang walang kaukulang dokumento at buwis na ipinapataw ng gobyerno.

Ang masaklap, tila isasakripisyo na rin ng Palasyo ang kumpanya ng mga Tsino sa hangaring makaiwas sa malaking bulilyaso.

Ayon mismo sa Palasyo, walang problema sa kanila kung makulong, o kahit pa ipapatay ang mga negosyanteng Tsinong nandaya sa gobyerno – malayo sa dating masigasig na pagtatakip at pagtatanggol sa mga sangkot sa transaksyong badbad sa anomalya at bulilyaso.

Pero teka, bakit ang mga Tsinong negosyante lang ang pasasabitin ng administrasyon? Hindi ba’t angkop lang din namang panagutin ang mga opisyales ng pamahalaan at maging ang kaalyadong kumaladkad sa pangalan ni Pangulo Rodrigo Duterte?

Isa lang ang malinaw. Nakatakda nang isakripisyo ang mga Tsinong ginamit na pamato sa maanomalyang transaksyong sukdulang ginatasan ng iilan habang ang bayan ay dapang-dapa sa kahirapan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.