Dalawa, timbog sa P144k halaga ng droga sa Caloocan

REHAS ng kulungan ang hihimasin ng dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, kabilang ang isang overseas Filipino worker (OFW) matapos maaresto sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr. ang naarestong mga suspek na sina Chrisbert Dugay, 22 anyos, at Rahm Villafranca, 34 anyos, OFW at kapwa ng Gonzales St., Brgy. 69.

Ayon kay Col. Mina, nakatanggap ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant (RCI) ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga suspek kaya’t isinailalim ang mga ito sa isang linggong validation.

Nang makumpirma ang ulat, ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PMaj. Deo Cabildo, kasama ang 6th Mobile Force Company Regional Mobile Force Batallion-National Capital Region Police Office (MFC RMFB-NCRPO) ang buy-bust operation sa Baltazar St. Brgy. 69 kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P8,000 halaga ng droga.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba.

Narekober sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 20 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P136,000, buy-bust money at isang selyadong plastic sachet na naglalaman ng limang pirasong kulay berdeng tableta na hinihinalang “Ecstacy” na nasa P8,500 ang halaga.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.