Breaking News

Share this information:

SA kulungan ang bagsak ng tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos makuhanan ang mga ito ng mahigit sa P.2 milyon halaga ng shabu sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., dakong ala-1:00 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PMaj. Deo Cabildo ng buy-bust operation sa C3 Road, Brgy. 28.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang kanilang target na si Romel Oliva alyas “Balong,” 37 anyos, (pusher) matapos bentahan ng P8,500 halaga ng droga ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.

Nakumpiska kay Oliva ang tinatayang nasa 15 gramo ng hinihinalang shabu na may standard value na P102,000 at buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at walong pirasong P1,000 boodle money.

Samantala, dakong alas-12:45 ng tanghali nang unang matimbog ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng NPD sa pangunguna ni PMaj. Amor Cerillo sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt. Col. Renato Castillo sa buy-bust operation sa kahabaan ng Samson Road, corner Bogallion St., Brgy. 5 si Joan Tambasacan, alyas “Negro,” 34 anyos, at Rizza Mae Nuñez, alyas “Isay,” 22 anyos.

Narekober sa mga suspek ang nasa 15 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P102,000 ang halaga at buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at walong pirasong P1,000 boodle money.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: