Tatlong drug suspects, timbog sa baril at P221k shabu sa Malabon

Share this information:

SWAK sa kulungan ang tatlong hinihinalang drug personalities matapos makuhanan ng baril at mahigit P.2 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na sina Jesus Montante, 35 anyos, ng Brgy. Longos, John Miguel Castillo,18 anyos, ng NBBS, Navotas City, at Ronnie Gueco, 23 anyos, ng Sangandaan, Caloocan City.

Ayon kay PSSgt. Salvador Laklaken Jr., dakong alas-11 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PSSgt. Kenneth Geronimo sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Barot ng buy-bust operation sa Dr. Lascano St., corner Bronze St, harap ng Tugatog Cemetery, Brgy., Tugatog.

Agad dinamba ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ni Montante at Castillo ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 32.5 gramo ng hinihinalang shabu na may corresponding Standard Drug Price (SDP) na P221,000, buy-bust money at isang kalibre .38 revolver na kargado ng isang bala.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Art. II ng RA 9165 at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.