Breaking News

Share this information:

HINDI isinaisangtabi ng Department of Health (DOH)  na muling magpatupad ng mas mahigpit na  quarantine classification matapos umakyat ang bilang ng Delta variant sa bansa.

Ayon kay DOH spokesperson Usec. Ma. Rosario Vergeire, laging “one step ahead” ang kanilang approach kaya  posibleng irekomenda nila ang mas mahigpit na community quarantine classification upang mapigilan ang pagkalat ng nasabing Delta variant. 

Sa ngayon ay may 35 kaso na ng Delta variant sa bansa at tatlo na ang kumpirmadong namatay.  

Dagdag pa ni Vergeire, nakipag ugnayan na ang DOH sa mga  local government units na magpatupad ng localized o granular lockdown sa halip na total lockdown upang umusad pa din ang ekonomiya. 

Samantala, nilinaw ng DOH na walang local case ng Delta variant sa Taguig City.  Inakala lamang na mayroong local case dito dahil ang returning  overseas Filipino worker na kabilang sa MV Athens ay permanent resident ng Taguig. 

 Nakatakda namang makipagpulong ang DOH sa Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) upang talakayin kung babawiin ang resolusyon na pinapayagang lumabas ang nga bata na may edad 5 anyos pataas. 

Sa ngayon ay hindi pa umano ito ipinagbabawal ng DOH subalit isa ito sa mga tatalakayin ngayong araw.

Ipinagtanggol din ng DOH ang desisyon na isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang  lalawigan ng Iloilo dahil ibinase umano ito sa siyensiya matapos na manatiling mataas ang kanilang average daily rate ng COVID-19. 

Ang Delta variant ay sinasabing 43-90 percent na mas nakakahawa kung saan ang isang apektado nito ay kayang makahawa ng hanggang walo katao. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: