Tatlo, nalambat sa halos P.9 milyon shabu sa Navotas

Share this information:

Tatlong suspek sa ilegal na droga ang timbog matapos makumpiskahan ng halos P0.9-milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Navotas City kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga naarestong suspek na si Rodolfo Legaspi, 39 anyos, (pusher/listed), ng B. Cruz St. Brgy. Tangos, Glen Mark Lacson, 33 anyos, ng Leongson St. Brgy. San Roque, at Sandy Garcia, 41 anyos, ng M. Domingo St. Brgy. Tangos North.

Dakong 4:30 ng madaling araw noong Linggo nang magsagawa ang mga operatiba ng Navotas Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Genere Sanchez ng buy-bust operation sa kahabaan ng C-4 Road., Brgy. BBN kung saan nagawang makabili kay Legaspi ng P500 halaga ng shabu si PCpl. Jeric Delos Reyes na nagpanggap na poseur-buyer.

Matapos tanggapin ni Legaspi ang marked money mula sa pulis-buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba kasama sina Lacson at Garcia na sinasabing umiiskor din ng droga sa suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 130 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P884,000, buy bust money, at P600 cash.

Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.