ARESTADO ang tatlong katao kabilang ang dalawang ginang matapos makuhanan ng shabu makaraang masita dahil sa paglabag sa curfew sa Caloocan City.
Kinilala ni Bagong Barrio Police Sub-Station head PLt. Julius Villafuerte ang naarestong mga suspek na sina Mary Grace Cañete, 37 anyos, Ma. Lany Morales, 54 anyos, at Cecilio Mabongga, 58 anyos, pawang mga taga Bagong Barrio.
Sa ulat, dakong alas 11:20 ng gabi nang respondehan ng mga tauhan ng Bagong Barrio Sub-Station, kasama ang 2nd Mobile Force Company, Regional Mobile Force Battalion, National Capital Region Police Office (MFC RMFB NCRPO) ang natanggap na SMS sa pamamagitan ng NCRPO Compliance Monitoring System na may Ref# R210409-1442 sa Progreso St. Brgy. 151, Bagong Barrio.
Pagdating sa lugar, napansin ng mga pulis ang mga suspek na gumagala na malinaw na paglabag sa city ordinance No. 0889 subalit nang lapitan nila para alamin ang kanilang pagkakilanlan ay nagtakbuhan ang mga ito.
Hinabol sila ng mga pulis at nang makorner ay inatasan ang tatlo na ilabas ang laman ng kanilang mga bulsa at nakuha kay Cañete ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, dalawang plastic sachets naman ng shabu ang nakumpiska kay Morales at isang plastic sachet ang narekober kay Mabongga.
Umaabot lahat sa 1.43 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P9,724 ang halaga ang nakumpiska sa mga suspek na sinampahan ng pulisya ng kaukulang kaso sa Caloocan City Prosecutors Office.

