Lalaki, pinalo ng kahoy sa dibdib, patay

crime scene do not cross

Nasawi ang isang 51-anyos na lalaki matapos hatawin ng kahoy sa dibdib ng isang 21-anyos na binata makaraan ang pagtatalo sa Valenzuela City.

Dead on arrival sa Valenzuela City Emergency Hospital ang biktima na kinilalang si Romeo Almeria, 51 anyos, ng Blk 2 Lot 22 Phase 2A, Brgy. Bignay.

Naaresto naman sa follow-up operation ng mga tauhan ng Detective Management Unit (DMU) sa pangunguna ni PLt. Robin Santos ang suspek na kinilalang si Amadeo Quimbao alyas “Mateo,” ng 30 Bartolome Subdivision, Brgy. Veinte Reales.

Batay sa imbestigasyon nina PSSgt. Regor Germedia at PCpl. Almann Bohol, dakong ala-1 ng hapon nang magkaroon ng pagtatalo ang biktima at ang suspek sa 2.1 Northville 1, Brgy. Bignay, hinggil sa halaman na pag-aari ni Almeria.

Sa kainitan ng kanilang pagtatalo, kumuha ng coco lumber (dos for tres) ang suspek at pinalo sa dibdib ang biktima na naging dahilan upang bumagsak ito sa lapag.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman ang biktima sa naturang pagamutan subalit, hindi na ito umabot ng buhay.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.