2 kulong sa P121k na halaga ng shabu

Share this information:

Matagal-tagal hihimas ng rehas ng kulungan ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal ng droga matapos makuhanan ng higit sa P.1 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Joel Villanueva ang mga naarestong suspek na si Marvin Diolazo, 45 anyos, at Irene Flores, 41 anyos, kapwa ng Bisig ng Kabataan, Brgy. 2, Caloocan City.

Base sa ulat, dakong alas 11:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Joseph Alcazar sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Villanueva ng buy-bust operation sa M. H. Del Pilar, Brgy. Tugatog.

Isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang maka-order sa mga suspek ng P500 halaga ng droga at nang tanggapin ng mga ito ang marked money mula sa poseur-buyer ay agad dinakma ng mga operatiba si Diolazo at Flores.

Nang kapkapan, nakumpiska sa mga suspek ang 21 pirasong plastic sachets na naglalaman ng nasa 17.83 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P121,244 ang halaga at buy bust money.

Kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa Malabon City Prosecutors Office.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.