DIRETSO sa kulungan ang tatlong hinihinalang drug personalities matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyon halaga ng droga sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa magkahiwalay na lugar sa mga lungsod ng Caloocan at Valenzuela.
Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., ang pagkakaaresto kay Victor Alferez Jr. alyas “Noy,” 21 anyos, at Zaldy Geroso, 38 anyos, kapwa ng Brgy. 178, Camarin ay resulta ng isang linggong validation na isinagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) matapos ang natanggap na ulat mula sa isang regular confidential informant hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga suspek.
Sinabi ni Col. Mina na dakong alas-11:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna PMaj. Deo Cabildo, kasama ang 6th MFC RMFB-NCRPO ng buy-bust operation sa Langka St., Brgy. 178 kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P8,500 halaga ng droga.
Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng hinihinalang shabu ay agad silang dinamba ng mga operatiba.
Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang nasa 45 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P306,000 ang halaga, at buy-bust money na isang tunay na P500 bill at 8 pirasong P1,000 boodle money.
Sa Valenzuela, natimbog naman ng mga operatiba ng SDEU ng Valenzuela Police si Francisco Balila sa buy-bust operation sa pangunguna ni PLt. Joel Madregalejo sa Sugar St., Llenado Subd., Brgy. Karuhatan dakong alas-6 ng umaga noong Huwebes.
Nakuha sa suspek ang tinatayang nasa apat na gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P27,200, P500 buy-bust money, P500 cash at plastic case.