No. 20 Most Wanted Person ng Caloocan, nalambat ng NPD sa Batangas

Share this information:

NASAKOTE ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang pang No. 20 most wanted person ng Caloocan City sa kanyang pinagtataguang lugar sa Batangas kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni District Special Operation Unit (DSOU-NPD) chief PLt. Col. Jay Dimaandal ang naarestong akusado na si Roy Macario, 51 anyos, construction worker ng No. 70 Gen. Concepcion St. Brgy. 132, Bagong Barrio, Caloocan City.

Ayon kay PLt. Col. Dimaandal, ang pagkakaaresto kay Macario ay resulta ng intelligence research at pinaigting na operasyon kontra most wanted persons sa pamamagitan ng patnubay at matibay na pamumuno ni NPD Director PBGen. Jose Hidalgo Jr.

Matapos ang natanggap na impormasyon mula NDIT-RIU NCR hinggil sa pinagtataguan ng akusado ay agad bumuo ng team ang DSOU sa pangunguna ni PMSgt. Eleazer Lazaro saka ikinasa ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Macario sa Purok Uno, Brgy Ping-as, Alitagtag, Batangas dakong alas-2:20 ng hapon.

Si Macario ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Lorenza Bordios ng RTC Branch 126, Caloocan City para sa kasong Frustrated Murder na may inirekomendang P200,000 piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Base sa impormasyon, noong March 2019 ay nagalit ang akusado nang suntukin umano ni Ryan Jumampo ang kanyang anak na may epilepsy.

Armado ng patalim, hinanap ni Macario si Jumampo at nang matagpuan nito sa Concepcion St., Brgy. 132, Caloocan City ay sinaksak ng akusado ang biktima sa katawan bago mabilis na tumakas habang isinugod naman ang biktima sa ospital para magamot.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.