NAGDULOT ng malaking pinsala ang pagsabog ng tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) sa isang restaurant sa kanto ng Ayala Avenue at Gil Puyat sa Makati City.
Ayon sa Makati City Fire Bureau, pasado alas-nueve ng umaga nang mangyari ang pagsabog sa restaurant na pag-aari ng New Bombay Foods, Incorporated.
Ang restaurant ay nakapuwesto sa ibabang bahagi ng 31-palapag na condominium building sa lugar.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, bago ang pagsabog ay nagluto pa ang cook ng restaurant na si Marvin Santos.
Gayunman, hindi umano naisarang mabuti ang LPG na sinasabing sumingaw at nagkaroon ng pagsabog.
Narinig hanggang sa ikalawang palapag ng gusali ang dagundong na dulot ng pagsabog.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasugatan sa insidente habang tinataya ng mga awtoridad na nasa P150,000 ang halaga ng pinsala ng gas leak.