IPINATAWAG ni Manila District Social Welfare Chief Ma. Re Fugoso ang buong konseho ng Barangay 261 sa Tondo, Maynila upang pagpaliwanagin kaugnay sa isyu ng pangingikil ni Chairman Augusto Salangsang sa mga beneficiaries ng Social Amelioration Program (SAP).
Unanimous ang pahayag ng Barangay Council na sila ay nagulantang umano nang makita ang video ni Salangsang habang kausap ang isang SAP beneficiary kung saan sinabi nito na ang P1,000 ay ibibigay kay MDSW District 2 Chief Julie Bajelot.
Gayunman,sa kabila ng kumalat na video ay buo pa rin ang tiwala at suporta ng mga kagawad kay Salangsang dahil hindi umano nila nakita na may nag abot ng pera dito.
Hindi rin umano nila nakumpronta si Salangsang kaugnay sa video dahil masama umano ang pakiramdam ng kapitan.
Samantala, nagpasalamat si MDSW Director Fugoso sa mga kagawad na naglinis sa pangalan ni Bajelot.
Hindi umano kukunsuntihin ni Fugoso ang anumang pang aabuso at kurapsyon sa kanyang tanggapan dahil mahigpit ang bilin ni Manila Mayor Isko Moreno na ibigay ng buo ang nararapat para sa Manilenyo.